Agua (2015)

Agua_headerDisenyo ng pabalat ni Smile Indias

PHP250.00 • 8 x 8 in • 92 pp • ISBN 978-621-95158-0-1

Si Enrique S. Villasis ay tubong Milagros, Masbate. Nagtapos siya ng BS Electronics and Communication Engineering sa Mapua Institute of Technology. Ang kaniyang mga tula ay nagwagi sa Don Carlos Palanca (2011, 2012, 2013) at Maningning Miclat (2011). Aktibong kasapi siya ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo. Ito ang kaniyang unang aklat ng mga tula.

Advertisement

Tungkol sa “AGUA”

Ang AGUA (Librong LIRA, 2015) ni Enrique S. Villasis, tubong Masbate, ang dagat sa rehiyon ng ating imahinasyon sa panulaang Filipino. Kalipunan ng tula na nanalo sa Palanca (2011, 2012, 2013) at Maningning Miclat (2011), bumubukas ito sa mga aktibong pandiwa, domestikong imahen at damdamin, malinaw na tesis, kapani-paniwalang argumento, at nagmamarka sa mga pahina bilang liriko, lirikong sunuran, mito, pilosopiya, kritisismo. Isa itong tagay sa tradisyon, na pumipiglas sa iisang pangalan at pag-ngalan, sapagkat malay at nagsasa-praktika ng inobasyon, sa lengguwahe at anyo.

Hindi lamang ito ang dagat na dinadayo sa bakasyon at/o binabalikan dahil sa mga alaala ng kabataan. Ito ang dagat ng identidad, ng pagkakilanlan. Ani ng kanyang tauhan sa “Estrella del Mar”: “Batid ko ang pag-ibig/Sa pagbalikwas ng mga alon.” Sa “Tagiwalo”: “Sa libo-libong bula matatagpuan mo ang iyong sarili: basal at hubad.” Sa “Frogman”: “Sa panaginip, nagliliwanag ang pasilyo ng lumubog na barko. May nakaturo sa kabilang isla: Hayun, at nabubuhay ang matandang katedral sa ulap sa pagbisita ng kidlat.”

Isang poetika ng ating arkipelago ang AGUA ni Villasis na nagbabanta laban sa paglimot at pagpabaya. “Warship” ang pamagat ng panguna niyang tula – nagbabalik sa atin sa panahon ng mga Hapon, saan ang “ikaw” na kinakausap ng tauhan ay isang “nilimot na bangkay sa ilalim ng laot habang patuloy sa pagdanak/Ang iyong mga sugat ng makukulay na kislap ng mga isda.” Nagtatapos naman ang koleksyon sa “Barko.” Isang pagbibigay-hasang sa pamilyar at ordinaryo na imahen sa ating mga daungan saan, “Sa pagkahimpil nito sa laot,/Retirado itong ang tanging hiling ay isa pang paglalayag,/Isa pang paglalayag bago ang huling paghuhusga.”

Sa pagbasa ko ng AGUA, parang nilublob ko ang sarili sa isang malaki at malalim na aquarium saan nakapag-snorkeling ako, hanggang makapag-deep sea diving! Nalasahan ko ang alat ng tubig-dagat sa aking balat, lalamunan, mga mata.

—Gen Asenjo, balaysugidanun.com

 

Sa lagaslas ng mga salita, nabuo ni Villasis ang isang daigdig na humugot ng kabatiran mula sa kaligirang akwatiko. Ipinapahiwatig niya sa kaniyang mga akda na ang kosmikong kairalan ay sa tilamsik ng tubig nanggaling at patuloy na doon nanggagaling.Ang imahinasyong nasa mga tula ay tila tuloy isinilang ng kaligirang kaniyang pinapaksa, sinauna, mapang-unawa, bagong luwal, manghang-mangha sa daigdig, o di kaya ay pagal na pagal, at nakikitang magpapatuloy lamang ito nang tulad sa milyong taong nagdaan. O bagong bago ang lahat at ngayon lamang matutunghayan, ngayon lamang madarama ang tamis at pait na nasa tubig, nasa hangin at nasa lahat ng dakong sumasalamin sa kumikislot na damdamin, nakamulagat na kamalayan ng tula.Sa simula, ang tinig sa tula ay tumatanaw sa mga nagturo sa kaniya sa paglalayag sa pananalinghaga, ngunit kapag pumagitna na sa laot at umikot na sa ehe ng uniberso ang manunulat, ang poetikong bisyon ay nagtitila ang magdaragat na pumasok na sa bagong teritoryo, at ang bawat banggitin ay bago, bagong hango sa dagat, bagong pahid ng dugo ng makata.

— Romulo P. Baquiran, Jr.

 

Sapagkat kinasanayan na nating magmadali at sabihing higit pa sa mabaho’t malansang isda ang hindi magmahal sa sariling wika, sinisipat ang ganitong kaisipan ng unang koleksiyong ito ni En Villasis, na hindi na maaaring ganoon kasimplistiko ang maaaring pagtingin natin sa relasyon ng tao at sa kaniyang mga wika: Sapagkat bilasa ang salita ng di hinahasang dila at balisa ang diwa ng bayang nilisan na ng mga makata.

Sa kaniyang nagmamarka-sa-tubig na panulaan, muli tayong ibinabalik ng makata mula sa Masbate, sa isang pagsasalawas ng ating kapuluan, at ng isang daigdig na nasa anyo, ligid at yaman ng tubig. Sa koleksiyong ito litaw ang pagkabig at pagnanangilid sa bingit ng lahat ng mga maaaring maisilid, isang poetikang nakasandig sa kahulugan ng pagsisid at pag-ahon, sapagkat ang tula ay laging nasa pagbubuong-anyo, isang uri ng likidong kilalang-kilala ng lahat ng may hasang, ng lahat ng naghahabol ng hininga, sapagkat ang Agua ni Villasis ay nasa pagitan nang mga pagpipintig at pagtitig katulad ng sa isang sinaunang akwatikong nilalang na nagmamasid sa atin samantalang naghuhunos bilang buwaya o bakawan, o piranha, o pating, o dikya, o mga sea diver na pumipilantik sa hangin, o ang kilapsaw na pumuwing sa mata ng tubig, na sa mata ng makata ay siyang balintunang binabato-balani tayo papunta sa pusod ng kahulugan na sinasagot ang antigong bugtong na idinudulog sa atin sa bawat tulang nasa koleksiyong ito.

—Kristian Sendon Cordero

 

Mga bagay at nilalang na nasa tubig ang laman ng koleksiyong ito; mga tula na sumusuyod sa rabaw at pusod ng mga anyong tubig. Para itong paglalakbay sa karagatan gamit ang bangka at vinta; paglangoy kasama ng orka, pawikan, at pugita. Binibigyan tayo ni Enrique S. Villasis ng hasang upang sisirin ang kalaliman ng mga paksa na bagaman mabigat ay lumulutang nang may kung anong gaan. Inililista natin sa tubig ang anumang nais nating kalimutan. Pero sa Agua, ang pagtatala ay hindi lamang paghahanay at pag-alaala, kundi pagtitiyak na mananatili ang mga bagay at nilalang na ito, ang mga tula na naririto. Hindi na natin kailangan ng mahiwagang kabibe upang makahinga at makita nang malinaw ang kaibuturan ng tubig. Sapat na ang pagbasa sa aklat ni Villasis upang maging sirena tayo kahit saglit, upang patunayang tunay ngang “namumulaklak ang alinsangang dagat” sa kamay ng isang mahusay na makata.

—Jerry Gracio