[Binasa sa e-launch ng “Siwang sa Pinto ng Tabernakulo,” 25 Oktubre 2020, 7 n.g.]

Napakasaya natin ngayon dahil kahit pa may pandemya ay nakapaglalathala at nakapaglulunsad pa din ang isang indie publisher tulad ng Librong LIRA sa panahon ng pandemya. Napakahirap ang bentahe ng mga libro ngayon lalo na ng koleksiyon ng mga tula at lalo sa wikang Filipino. Gayumpaman patuloy pa din ang indie publishing halimbawa ang The Indie Publishers Collab PH o TIPC PH, self-publishers, university publishers, at iba pang mainstream publishers sa paglalathala ng mga librong may kinalaman man sa COVID-19 o wala. Bukas pa rin ang mga bookstore tulad ng Solidaridad sa Ermita, Mt. Cloud sa Baguio, Savage Minds sa Naga, Popular Bookstore sa Morato, Palabasalibro sa Iloilo, at maging ang mainstream bookstores. Patuloy ang movement ng libro sa Shopee, sa Lazada, at sa mga bookfair tulad ng BDAP Aklatan. Napatunayan din sa panahon ng pandemya na may market ang ebooks na naipakita ng Kasingkasing Press.
Iniisa-isa ko ang mga ito dahil ito ang salimuot ng komersiyo ng paglalathala sa panahon ng pandemya. Mahalaga ang movement ng imbentaryo at maging ng mga libro sa pipeline mula manuskrito hanggang maging proofs hanggang maging aktwal na libro.
Mapalad ang Librong LIRA na nakapaglabas muli ng reprint ng gay/queer poetry collection noong Pebrero 18 “Ang Lunes na Mahirap Bunuin” ni Nick Pichay. Nagdalawang-isip kami ni Atty Nick noong panahong iyon kung itutuloy ang pasabog na launch sa Conspiracy Bar na pinainit ng isang macho dancing performance at white whine. Itinuloy namin. Wala pa sa ECQ noon ang Maynila. Mabilis ang movement ng “Ang Lunes”, well dahil si Nick Pichay iyon at klasiko ang koleksiyon na nararapat sa aklatan ng mga paaralan at tahanan ng mga Filipinong mambabasa. Bilingual din ang koleksiyon para sa mga may hilig sa Ingles at hilig sa Filipino.
Hindi ito agad nasundan dahil sumabog na nga ang pandemya sa mundo nang Marso. Bumagal ang bentahe ng mga libro sa merkado at galaw ng mga manuskrito sa pipeline. Nangangapa ang lahat kahit ang mainstream at university publishers. Ako mismo ay nagdalawang-isip kung ano ang mga susunod na hakbangin. Bandang Abril bilang isang doktor, nasipat ko nang magtatagal ang pandemya nang hindi bababa sa isang taon. At tuluyan na ngang nagbago ang maraming bagay sa bansa, sa mundo, sa komersiyo at sining ng pagsasalibro, kasama na ang mga koleksiyon ng tula. Hindi maaaring tumigil ang pagbebenta at paglalathala ng libro sa Bagong Normal. Hindi tayo makapapayag na mapipi ang manunulat. Ang mga handang ilabas na libro ay kailangang mailabas, may pandemya man o wala.
Takot at pigil ang karaniwang mambabasang Filipino na tumungo sa mga bookstore. Kahit sa National Bookstore sa Robinsons Ermita, hanggang limang mamimili lamang ang puwedeng nasa loob ng tindahan. Buti na lamang ay nariyan na ang courier services sa Manila—ang Grab Delivery at Lalamove, ang online shopping apps, na pinakilala o pinaigting ng mga bookfairs halimbawa ang BDAP Aklatan. At nakapagbukas ang ilang printing press sa gitna ng pandemya: na sabi pa nga sa akin ng napaglathalaan ay Librong LIRA ang buenamano nila mula nang magsimula ang kuwarentena. Nakapaglathala at nakapagbenta pa rin ng mga libro, o baka pa nga nang mas maraming libro kaysa prepandemikong panahon, ang indie publishers tulad sa kaso ng Kasingkasing Press.
Isa ang manuskrito ni Louie Jon Sanchez sa mga napabagal ng pandemya. Napatagal ang mga rebyu at pag-eedit ng koleksiyon. Hindi naman tama na kulitin ang reviewers habang dumadaluyong ang pandemya sa mundo. May virus na nakaantabay sa labas ng pinto at bintana. May mga kaibigan at katrabahong nabiktima ng virus. Kulang-kulang at mabagal ang responde ng gobyerno. May gimbal ang ganitong panahon at may sikolohikong epekto sa pang-araw-araw na gawain hanggang sa bangungot sa pagtulog. Mahalagang pakiramdaman ang sarili, ang mga mambabasa, at ang mga reviewer din. Nang makaluwag-luwag at makaadjust nang bahagya sa tinatawag nating new normal ay saka bumalik ang sigla sa palathalaan. Binukan muli ang mga email thread sa reviewers at awtor. Mabilis din ang kanilang mga naging sagot, marahil nakapag-adjust na, kahit pa alam kong napakarami nilang gawain. Kaya lubos ang pasasalamat ng Librong LIRA sa mga naging reviewer para sa koleksiyong ito ni Louie Jon Sanchez kina Propesor Michael M. Coroza, na pangulo ng UMPIL at Prop. Danilo M. Reyes na kapuwa hinahangaang makata at propesor sa Ateneo. Maraming salamat sa kanilang pagbasa at mga komento para mapabuti pang lalo ang koleksiyon mula sa una nitong kaayusan.
Isa si LJ sa mga malapit na kaibigan sa LIRA. May lambing at taray. May tawa at lungkot. Dumaan ako sa kaniyang mga lektura sa Palihang LIRA at dumaan ang aking mga tula o tula-tulaan sa malapitan at malupitang pagbasa. Napagdaluhan ko ang kaniyang mga book launch at maging PhD thesis defense sa La Salle. Masasabi kong marami akong napulot na kaalaman at pakikipagkaibigan sa kaniya. Laging ang mataas ang pangarap ni LJ sa kaniyang mga proyekto, makikita yan halimbawa sa katatapos na online UMPIL Congress, na pinamunuan niya ang logistics at direction. Makikita ang ganitong ambisyon sa kaniyang mga aklat ng tula at prosa. Kahit nga ang tema ng kaniyang mga tula ay pandibino: “At sa Tahanan ng Alabok,” “Kung Saan Man sa Katawan,” “Pagkahaba-haba Man ng Prusisyon,” at ngayon, ang “Siwang sa Pinto ng Tabernakulo.” Ano pa ba ang mas marurok na ambisyon sa tema kundi ang makahuntahan ang Diyos at mahiwatigan ang eternal at banal? Lagi kong biro kay LJ na kayhahaba ng kaniyang mga tula. Lagi niyang babanggitin si Cirilo Bautista hinggil sa pagliligoy sa wika na sa palagay ko’y isang mabisang metapora at retorika. Mala-dasal, mala-rosaryo, mala-misa sa haba ang mga tula ni LJ. Wala siyang pake kung maikli ang attention span ng mambabasa o tamad ito. May napapala ang masipag. May napapala sa pagdarasal. Sa una kong basa sa mga tula ni LJ, hindi ito agad pumukaw sa aking panlasa bilang mambabasa at umaakda ng tula. Ngunit nang simulan kong basahin ang mga tula mula sa perspektiba ng naghahanap ng masusulingan na Makapangyarihan, kumikilala sa Pastol, ang maysakit at agaw-buhay, ang balo, ang iniwan at naliligaw, ay mas madaling masalat ang rabaw ng mga mundo sa tula ni LJ. Bagkus, napapanahon ang aklat na ito, lalo’t sa panahon na ang kakayahan ng agham na makapagbigay-lunas o makitil ang pandemya ay may nasusukat na abot-tanaw na hanggahan sa ngayon. Ang mga lirikal tula ni LJ ay dahong pantapal, yapos at hilot, ostiya at kalis para sa mga naghahanap ng pahingahan at katiyakan. Ang tabernakulo bilang isang ligtas na sisidlan ng banal ay tabernakulo para sa ating hapong katawan at kaluluwa. Hayun ang siwang na mapag-imbita.
Maligaya ako sa pag-aalaga ng produksiyon ng libro na ito. At di matatawaran ang pasasalamat sa book at book cover designer na si Vic Nierva, ang mga nagperform ng mga tula ngayong launch sina Jonar Johnson, Tresia Taquena, at Agatha Buensalida na masisigasig na kasapi ng LIRA, ang MAKATAS rr Cagalingan at Dax Cutab, at si Cristy Credo na representative ng Merck, ang ating host Dr. Loaf Fonte, at ang mga tao sa backend na nanigurong maayos ang naging takbo ng e-launch ngayong gabi, si Lester Abuel at si Karl Orit na btw ay Makata ng Taon 2020 ng Komisyon sa Wikang Filipino. Maraming salamat din sa Merck sa pamumuno ni Mr. Ramonito T. Tampos sa walang-sawang pagsuporta sa Panitikan at LIRA. Pagbati sa ating mars of the hour, ang nakatatlong sungkit sa Makata ng Taon, ang walang kapagurang sumulat at umibig, Dr. Louie Jon A. Sanchez. Suportahan natin ang “Siwang sa Pinto ng Tabernakulo” at iba pang titulo ng Librong LIRA sa Facebook, sa Lazada, at sa ibang local bookstores.
Joey A. Tabula | San Antonio, Zambales
You must be logged in to post a comment.