Wari mga panandang-bato ang bawat kilometrong nilalampasan sa paglalakbay, nakatayo ang mga tula ni Edgar Calabia Samar sa Pag-aabang sa Kundiman sa tabing-daang nilalandas ng mambabasa upang ito’y sadyang antalahin at turuang magsuwail muli. Ngayong nakapaglimayon na, kailangang ibalik ang sarili sa sariling na-diaspora sa lungsod, sa sinapupunan ng inang lumiko sa maling gubat, sa pangalang Elias, sa amang iba ang buto sa anak, sa kamalig na ang laman ay hindi bigas kundi basyo ng bala. Kaagapay ang Makatang paudlot-udlot na kinakausap ng persona sa pagitan ng mga lirikong makapag-iisa naman, naihabi ni Samar ang isang pahiwatig na poetika ng pag-aabang sa mga talinghaga ng pag-alis at pagbabalik na siyang namumukod-tangi sa kaniyang mga Kundimang lagalag. Naririto ang pag-akda ng bayan na may timyas.
—Benilda S. Santos
Nasa matimpi at estratehikong manipulasyon ng hulagway at parikala ang talim ng pananalinghaga. Tahimik ngunit nakaiiwa. May pangkalahatang tema na nang-aakit ng pait ng maalamat na pagbabalik upang malasap ang lalong masaklap na realistikong pagsulong. May pagpapanukala na walang katubusan ang Makata sa pagkagunaw ng gunita ngunit patuloy na pumipintig ang pag-ibig sa pag-iisa ng pagtula. Iyan ang sugat na namumukadkdad sa patak ng ulan habang nag-aabang sa kundiman. Iyan ang iniaalay sa atin ni Edgar Calabia Samar sa kaniyang unang kalipunan ng mga tula ng Sarili.
—Michael M. Coroza
Malimit banggitin sa koleksiyong Pag-aabang sa Kundiman ang mga salitang ligaw at alaala. Sinisikap tuntunin ng mga tula rito ang landas pabalik sa pinagmulan ng makatang sadyang iniligaw ang sarili sa kasukalang nilikha ng imahinasyon mula sa mga alaalang pinili niyang talikuran. Mahirap na gawin ito, itong pagpapanday ng mito ng sarili upang bigyang-anyo ang maraming ligalig, ngunit kailangang pagdaanan. At sa giya ng harayang mariing nakaugat sa madilim na misteryo ng ilahas na kalikasan at matalas na pananalinghaga ng makatang si Edgar Calabia Samar, kasama tayong naililigtas sa pakikipag-engkuwentro nang buong puwersa sa nakaraang hindi matatakasan.
—Allan Popa
In this inspired first collection, Samar creates the biography-in-poetry of Elias—a remarkably self-aware character whose voice becomes our vessel for exploring the ambiguity of origins, woundings, and necessary leave-takings. From the river Uliuli to the intersection of Kundiman and España, his fascination is with space and the riddles of distance, including how people find and lose their way, sometimes intentionally. On his odyssey he also discovers limits—of maps, memory, and language—though certainly not of the poetic imagination.
—Naya S. Valdellon
You must be logged in to post a comment.