Tungkol sa “SA ILALIM NG PILIK”

Sino nga pala ‘yung nagsabing nasa diwa ng tula ang pagpalag sa katiyakan? Sa koleksiyong ito ni Charles Bonoan Tuvilla, dumudulas ang dalumat, naglalangib nang parang “barkong nakalubog sa ating puso,” naaaninag at naglalaho, lumulutang, nagdurugo. “Nakarating na ba sa iyo ang lumang kuwento tungkol sa pagpapalit-tahanan ng dila at puso?” tanong ng makata, at nadarama nating totoong tanong ito; nais niya talagang malaman, at nais niya tayong sabayang diinan ang alinlangan. Ayan nga’t itinuturo niya tayo doon, inaakay tungo sa masukal na lupalop ng mga tugon, nagtitiwalang kaya nating maghukay gamit ang sariling mga kamay. Sa madali’t sabi, isa itong paglalakbay, at nagbubukal ang talab sa katotohanang may sari-sarili tayong Sentinela, sari-sariling Baguio, sari-sariling “balikat, katawan, bintana, hanggahan, pinto, pagitan.” May angking pagpapakumbaba ang ganitong uri ng pag-amin. May angking imbitasyon: Walang madaling paliwanag sa pagkuyom ng dibdib, walang iisang bilang “ang dapat tumumba, ang kayang itayo, ang maaaring isalba”— pero halika, samahan mo ako doon, dahil kung may katiyakan man, matatagpuan ito sa pook ng danas; samahan mo ako, kung saan higit sa talinghaga ang paglisan; kung saan maaari nating muling titigan ang sari-sari nating mga luksa.

— Mikael De Lara Co

 

May pamagat na nagsisimula sa “sa” ang 17 sa 23 tula sa unang aklat ng tula ni Charles Bonoan Tuvilla, tulad ng pamagat ng koleksiyon na “Sa Ilalim ng Pilik.” Kung tutuusin, tatlo lámang sa mga tula ang walang “sa” sa anumang bahagi ng pamagat: ang pambungad na “Kay Javier,” ang “Simula, Kanina, Ambon,” at ang “Laging Nakasunod ang Pangungulila.” Kung titingnan ang “sa” bilang pang-ukol na magkasabay na maaaring kumilala sa pinagmulan o patutunguhan ng isang aklat, o sa tao o bagay na pinag-aalayan ng talinghaga, o sa panahon o lunang sisidlan ng mga taludtod, ano ang ibig sabihin ng guwang sa pagitan ng “talukap” sa linya ng katukayo niyang Charles Simic na sinipi bílang epigrap ng aklat (“The truth is under your eyelids”) at ng “pilík” na piniling gamitin ng makata sa pamagat ng aklat? “Pangalanan natin ang mga pagitan,” sabi ng persona sa huling tula, tulad marahil ng paghinga ng laktawang taludturan ng tulang iyon, at tinatangay tayo sa alaala ng naunang mga tula na sa simula’t simula’y ibig “maglaan ng espasyo para sa kalungkutan,” at paglaon ay “naghabi ng sansaglit na silong sa kalawakan.” Pagtabi-tabihin natin ang tatlong iyon na pinaglaanan ng espasyo sa koleksiyon: kalungkutan, sansaglit, kalawakan––mga abstraksiyon, kung tutuusin, kung hindi nga lamang dumarating ang mga ito sa atin na tulad ng larawan ng isang amang marahang inilalapat ang tainga para sa bulong ng dibdib ng kaniyang sanggol na anak. Nasa gayong pakikinig at pagdama kung kaya’t may pinag-uukulan ang “sa” bilang puso ng mga tula ni Charles, o kung bakit may kulang sa “sa” kung “sa” lamang, tulad ng pagkapipi o pananahimik na para saan, sapagkat sa daigdig nating mas madaling pumikit kaysa magbasa ng tula, mananatiling isang hiwaga ang pagtula na tulad ng kamay ng nahihimbing na sanggol ay isang “nakakuyom [na] uniberso.”

—Edgar Calabia Samar

 

Sa mga tula ni Tuvilla, waring hindi mapalagay ang mga metapora dahil nagsasalaman; hindi mapakali ang mga literal dahil nagsasakaluluwa, sa walang patumanggang pagbubukas at pagsasalikop ng mga punto de bista at lunan ng ideya, na walang iniwan sa arkitektura ng mga manikang babushka ng Russia. Sa pagbasa ng kaniyang mga tula, walang magagawa ang katawan at isip ng mambabasa kung hindi ang buong tiwala at paulit-ulit na pagpapatianod.

— Alvin Yapan

 

Advertisement